Para Saan Ba Ang Health Plan, At Kailangan Mo Ba Nito?

Share this article with other mums

Ika nga nila, "health is wealth." Kaya't mahalaga ang pagkakaroon ng health care plan upang mas maalagaan mo ang iyong kalusugan.

Ang iyong kalusugan ay isa sa mga pinaka-importanteng bagay na dapat mong alagaan. Ngunit hindi maiiwasan na magkaroon tayo ng sakit, o problema sa kalusugan. At kadalasan, nagiging malaki ang gastusin para dito. Pero kung mayroon kang health care plan, siguradong mas abot-kaya ang magiging gastusin.

Pero ano nga ba ang talagang ginagawa ng health care plan, at paano ka nito matutulungan?

Para saan ba ang health care plan?

health care plan

Source: pixabay.com

Ayon sa World Health Organization, 5% ng GNP (gross national product) ay para sa health care plan. Ngunit sa Pilipinas, 2% lamang ang binubuo ng health care sa GNP. Ibig sabihin nito, kakaunti lamang sa Pilipinas ang mayroong health care plan.

Pero ano ang magiging advantage ng pagkakaroon nito?

Sa Pilipinas, mayroon tatlong paraan upang makabawas sa gastos kapag ikaw ay nagkasakit. Ito ay sa pamamagitan ng health insurance, HMO o health card, at Philhealth.

Health Insurance, HMO, at PhilHealth

Ang health insurance ay kadalasang kasama sa mga insurance plan. Ang pagbabayad nito ay nakadepende sa napag-usapang payment schedule, at dito ay makakakuha ka ng benefit ung ikaw ay magkasakit. Makakatulong rin ang health insurance kapag ikaw ay naospital, dahil pwede kang makakuha ng reimbursement kapag ikaw ay na-confine.

Hiwalay pa ang health insurance sa life insurance, dahil kadalasan sakit lamang ang magiging coverage ng mga health insurance. Pero mayroon din namang life insurance na may kasama na ring health insurance.

Ang HMO o health card naman ay tinatawag rin na health plan. Kumpara sa health insurance na reimbursement ang ibinibigay, ang health card ay pwede mong gamitin upang bayaran ang iba’t-ibang mga health services.

Halimbawa, ikaw ay gustong magpagamot ng iyong ngipin. Kung covered ito ng iyong health card, pag pumunta ka sa accredited na clinic, ay wala ka nang babayaran sa pagpapagamot ng iyong ngipin.

Ang isang malaking pinagkaiba ng health card sa health insurance ay sa health insurance, mayroon kang insurance benefit at makakakuha ka ng lump sum kung sakaling magkaroon ka ng kritikal na sakit, tulad ng kanser, stroke, sakit sa puso etc. Kumikita ka rin ng dividend sa health insurance kapag hindi ka nagkasakit sa taong iyon.

Maganda ang health card para sa biglaang pagkakasakit, dahil nakakabawas ito ng gastusin sa ospital. Hindi katulad ng health insurance kung saan mag-aantay ka pa upang makuha ang reimbursement.

Ang PhilHealth naman ay katulad rin ng health card o HMO, ngunit ito ay serbisyo na ibinibigay ng gobyerno. Ang isang malaking pinagkaiba nito sa health card ay sa government hospital lamang nagagamit ang serbisyo ng PhilHealth.

Anu-ano ang mga health plan sa Pilipinas?

health care plan

Source: wikimedia commons

Ngayong napag-usapan na natin kung ano ang health plan, mahalaga ring malaman mo kung ano ang angkop na health care plan para sa pangangailangan mo.

Ito ang ilang mga health plan na pwede mong makuha sa Pilipinas:

Medicard

Bukod sa tipikal na services na ibinibigay ng mga HMO, ang Medicard ay nagbibigay rin ng mga discounts at perks sa mga restaurants, hotel, beach resorts, etc.

Ang Medicard ay mayroon ring in-patient at out-patient benefits, preventive care services at emergency care.

Ang rates sa Medicard ay nagsisimula sa 8,949 pesos hanggang 77,526 pesos anually depende sa uri ng plan na kukunin.

Maxicare

Ang Maxicare ay isa sa pinakapopular at pinakakilala pagdating sa mga HMO sa Pilipinas. Kadalasan mga malalaking kumpanya ang gumagamit ng kanilang serbisyo, pero pwede din naman mag-avail kahit hindi ka empleyado.

Kumpara sa ibang HMO, may kamahalan ang Maxicare. Ngunit sigurado ka sa kanilang serbisyo, at pwede ka din makakuha ng dental at accidental benefit na wala sa ibang HMO.

Sa usapan naman ng presyo, nagsisimula sa 14,777 pesos annually, na may 60,000 pesos na coverage para sa individual plan.

F360 Protect

Ang F360 Protect ay pagmamay-ari ng Guevent Insurance Broker Corporation (GIBCO) at Malayan Insurance. Nagsisimula sa 4,498 pesos para sa individual at 6,498 pesos naman para sa family.

Sa kasalukuyan ay wala pang accredited hospitals ang F360 protect, kaya’t parang insurance din ang serbisyo nila. Makakakuha ka ng reimbursement kung sakaling ikaw ay ma-ospital, o di kaya ikaw ay magkasakit.

Mayroon silang 1,000-3,000 pesos na daily reimbursement depende sa iyong plan, at 3000 pesos na daily recuperation allowance na aabot ng 7 araw.

PNB Healthy Ka Pinoy

Ang PNB Healthy Ka Pinoy ay isang health card na inaalok ng PNB o Philippine National Bank. Ang annual premium cost nito ay simula 750 pesos hanggang 1,250 pesos at may coverage na 140,000 pesos at 280,000 pesos.

Ito naman ang mga benefits na kasama:

20,000 emergency hospital care

100,000 accidental death dismemberment at disability benefits

20,000 burial benefit

Mga dapat tandaan sa pagpili ng health plan

Siguraduhing pasok sa budget

Ang pinaka-importanteng alalahanin pagdating sa pagbili ng health play ay kung pasok ba ito sa iyong budget. Wala rin maitutulong ang health plan kung hindi mo naman kayang bayaran ito taon-taon.

Kaya’t dapat bumili ng plan na swak sa budget at hindi gaanong masakit sa bulsa.

Alamin ang coverage at benefits

Mahalaga rin na alamin ang mga benefits na iyong kailangan. Dapat basahing mabuti ang laman ng mga kontrata kasi minsan limitado ang coverage ng ilang plan.

Mabuti rin na malaman mo kung saang mga ospital accredited ang iyong health plan. Paano kung may health plan ka nga, pero 3 oras naman ang tagal ng biyahe papunta sa accredited na ospital? Sayang din ang iyong binabayaran.

Kaya’t mahalagang alamin mabuti ang bawat aspeto ng bibilhin mong health plan.

Huwag mahiyang magtanong

Pinakahuli, wag mahiyang magtanong. Kung mayroon kayong kakilala na may health plan, o di kaya ay eksperto sa insurance, mabuting humingi ng kanilang advice.

Mahirap na basta-basta magtiwala sa mga nagbebenta ng health plan, dahil hindi mo agad makikita ang mga pros at cons ng pagkuha nito.

 

Basahin ang iba pang article:

Health Insurance 101: What Should You Be Considering Before Buying A Policy?

Eating Healthy On A Budget: The 10 Commandments Of Cheap Healthy Eats

5 Simple Things To Help You To Lose Weight In 2018 (That Don’t Involve Exercise)

Finance and Banking Banking Insurance Medical